Uncategorized


i-am-bisig

Disyembre 20, 2008

Mainit na pagbati sa mga magigiting na sosyalista ng Cebu!

Ipagpaumanhin niyo kung ang aking mensahe ay nasa wikang Tagalog at hindi sa Inggles. Mas maihahayag ko ang aking nararamdaman sa Tagalog kaysa Ingles dahil ang wikang Ingles ay wika ng aking utak subalit ang wikang Tagalog (o Filipino) ay ang wika ng aking puso.

Ang pambansang pamunuan ng BISIG ay malugod na bumabati sa bawat isa sa inyo sa paglulunsad ng Asembliya ng ating organisasyon. Kami rin ay nagpupugay sa inyo bilang pinakaunang chapter ng BISIG na nabuo sa labas ng NCR at nananatiling pinaka-aktibong chapter sa ngayon.

Ang BISIG, sa loob ng 21 taon ay lantarang namandila ng sosyalismo bilang alternatibo sa krisis ng kapitalismo. Ang pangunahing papel ng BISIG, mula nang ito ay itinatag ay maging isang ideolohikal at pulitikal na organisasyon na nais hamigin ang kaisipan at puso ng bawat mamamayang Filipino para sa adhikain ng sosyalismo at magbuo ng mga sentro ng kapangyarihan upang mabago ang mapang-aping sistema ng kapitalismo. Nakapagtatag tayo ng mga iba’t-ibang instrumento ng kapangyarihan tulad ng mga sentro ng paggawa, partidong pampulitika, kilusang masa sa hanay ng kabataan-estudyante, magbubukid, maralitang tagalungsod at mga kababaihan. At hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng BISIG sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga nabanggit na instrumento ng kapangyarihan. Nagtatag din tayo ng mga NGOs upang magsulong ng mga alternatibong programa at mga koalisyon upang magbigkis sa iba pang mga pwersa tungo sa panlipunang pagbabago.

Sa pagdaan ng panahon ay yumabong ang mga institusyon at mga instrumentong ito hanggang sa yugto na lantaran na rin nitong ipinamamandila ang ideolohiyang ating itinataguyod, maging ang mga estratehiya at pampulitikang linya ay hinalaw na rin ng mga itinayo nating mga organisasyon. At ito ay isang tagumpay sa hanay nating mga sosyalistang kadre at mga lider. Ang makitang dumarami ang mga grupong yumayakap at kumikilos para marating ang ating mga pangarap.

Bagamat sa paglipas rin ng panahon ay kinakitaan ng mga kahinaan ang ating kilusan, hindi ito dapat maging hadlang upang tayo ay manghina at tumigil sa pagkilos. Iyan ang dayalektika ng buhay. Aksyon at reaksyon. Tagumpay at kabiguan.  Ang ilan ay nagtatanong kung ano na ang kabuluhan at direksyon ng BISIG.  Ito ay mga balidong mga katanungan at indikasyon na buhay ang organisasyon.

Para sa akin, ngayon higit kailanman na dapat nating bigyang kabuluhan ang pagiging isang ideolohikal na organisasyon ng BISIG.

Walang ibang panahon na lubhang napakaganda upang ibandila ang sosyalismo bilang alternatibo kundi ngayon-ngayon kung saan ay nadarama at nakikita ng mga mamamayang Pilipino ang krisis na dulot ng kapitalistang sistema. Ang krisis na ito sa katunayan ay hindi lamang isang simpleng krisis pampinansiyal kundi isang krisis ng modelo ng neoliberalisasyon o kapitalismo, at higit pa, krisis ng ideolohiya ng kapitalismo! Ang nangyayari ngayong pagkabangkarote ng mga kumpanya dulot ng krisis ng labis na produksyon, pagkagahaman , deregulasyon ay isang krisis na hindi pa naranasan sa ilalim ng neoliberal na rehimen.  Ang pag bail out at nasyunalisasyon ng mga industriya sa Estados Unidos at Europa ay isang malaking sampal sa mukha, at ideolohiya ng kapitalismo. Ang ideolohiya ng malayang merkado ay isang bangungot ngayon na kinakaharap ng mismong mga kapitalistang bansa.  At dahil  dito, ibayong hirap at gutom ang daranasin ng mga mamamayan, hindi lamang sa mga kapitalistang bansa kundi sa buong daigidig.  Mas magiging malaganap ang kawalan ng trabaho na magdudulot ng ibayong krisisi pangpinansya at kawalan ng kapangyarihang pang ekonomiya ng sambayanan.

Sa Pilipinas, ay wala nang gaanong dapat na ipaliwanag pa kung tutuusin upang ilantad ang krisis na dulot ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ng kabuhayan. Ang kaliwa’t kanang problema ng korapsyon , iskdalo at pagkabangkarote ng pamamamahala mula sa pambansang pamahalaan hanggang sa mga lokal na pamahalaan ay malinaw na krisis ng isang elitistang demokrasya. Ang patriyarkiya ay nararanasan oras-oras ng mga kababaihan lalo na sa mga maralitang komunidad. Ano pa ang sapat na paliwanag kundi ang kongkretong karanasan ng masang Pilipino na araw-araw ay natatanggal sa trabaho, walang makain, ginigiba ang tahanan, at marami pang ibang problemang dulot ng mga nabanggit na sistemang pang-ekonomiya at pang pulitika?

Sa normal na pagkakataon, ang mga kalagayang ito ay lubhang hinog upang mahikayat ang masa upang kumilos na baguhin ang kanilang kalagayan – sa anumang porma ng legal na pakikibaka, parlyemantaryo, kilusang masa o elektoral man.  Subalit hindi normal ang kalagayan sa Pilipinas.

Ang hindi normal sa kalagayan natin ay ang pagkabaon ng masang Pilipino sa kultura ng pagsasawalang kibo, kawalang pag-asa at balot ng kultura ng pagkatakot.

Dito dapat ginagampanan ng mga kilusang tulad natin ang ating makasaysayan at marangal na tungkulin. Ang imulat, iorganisa at pakilusin ang malawak na bilang ng masa, tungo sa isang malawak at malakas na kilusan ng mamamayan na may mapagpasya upang baguhin ang balanse ng kapangyarihan.

Subalit sa kabila ng krisis ng modelo at ideolohiya ng kapitalismo, ay may krisis din ang kilusang progresibo at Kaliwa sa Pilipinas. Hindi nito epektibong mamulat, maorganisa at mapakilos ang masa para sa isang mapagpasyang pagbabago. Ilan sa mga mamamayan ang nakakaunawa na sistema ang problema? Ilan sa mga mamamayan ang pinag-uusapan ang sosyalismo bilang alternatibo? May agitation ba sa hanay ng masa? May masidhing pagnanasa bas a hanay ng masa upang baguhin ang kanilang kalagayan? Ilan ang mga bago nating napapakilos?

Kaya ngayon higit na dapat nating balikan ang ating mga batayang gawain at tungkulin bilang mga sosyalista. Ang hikayatin ang malawak na bilang ng masa upang itaguyod ang isang alternatibong sistema.  Ang giyahan ang mga masang organisasyon upang lahat ng puwang na kanilang pasukin ay nagdudulot at lumilikha ng pagsasakapangyarihan ng masa – mulat, may kasanayan, may kahandaan sa sariling paraan na kumilos at baguhin ang kanilang kalagayan.

Kailangan nating muling pasiglahin ang ideolohikal na gawain, mga kasama. Praxis. Kumbinasyon ng teorya at praktika.  Sa katunayan, ilang beses na rin nating nadinig mula sa ating mga lider na “gamitin ang kasalukuyang krisis bilang oportunidad, etc.” subalit maraming humahadlang upang totohanang gamitin ang krisis na ito bilang oportunidad sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa.

At ito, itong kontekstong ito, ang sa tingin ko ay ang higit na dapat na mas mangibabaw at maging pangunahing basehan natin sa muling pagtuklas sa kalahagahan at direksyon ng BISIG.  Sa kongkreto, ibalik at simulan ang mga study circles sa loob ng ating hanay. Pasiglahin ang debate at talakayan, sa loob ng BISIG at maging sa iba pang mga kaibigan sa Kaliwa.  Bumalik tayo sa solid organizing. We don’t have to reinvent the wheel. Ito ang ginawa noong kasiglahan ng kilusang masa sa panahon ng sigwa ng unang kwarto, panahon ng dekada 80 kung saan bumubulwak sa kalye ang masa na naghahangad ng pagbabago. Ito rin ang ginawa ng mga sa ngayon ay “lumaya” nang mga mamamayan sa Latin Amerika na nagtatamas ng bunga ng kanilang pakikibaka sa kasalukuyan.

“Easier said than done , ” sasabihin ng iba.Maraming balakid. Lohistika. Pinansya. Tao. Problema. Pero ang lahat ng iyan ay laging naririyan. Sa BISIG, malaking problema yan. Gawan natin ng paraan na solusyonan ang problemang yan dahil wala tayong choice mga kasama. Lahat ng tagumpay may sakripisyong kaakibat. Baka nga kaya hindi pa tayo ganap na nagtatagumpay ay kulang pa ang sakripisyo ng mga grupong tulad natin. Lahat tayo, mula nasyunal hanggang sa lahat ng mga chapter sa probinsya ay muling magnilay at magpanibagong buhay sa pagkilos kung talagang nasa kaibuturan ng ating mga puso ang maglingkod sa kapwa at sa ating bansa, ang maalab na damdamin na makamit ang pangarap na demokrasya at sosyalismo para sa mga Pilipino.

Sa panghuli, muli nagpapasalamat ako sa bawat isang sosyalistang nananatili at tumitindig sa Cebu sa inyong patuloy na pagtitiwala sa ating kilusan at sa ating pangarap.

Padayon mga kasama!

Mabuhi ang BISIG – Cebu!

Sosyalismo alternatibo!

Lubos na sumasainyo,

Kasamang Ed Chavez

Pambansang Pangkalahatang Kalihim

gma-resign-inquirer.jpg

Korapsyon, kasakiman, kasamaan ng kasalukuyang gobyerno ni GMA wakasan na!

 

Grabe na ang korapsyon! Mula ng maluklok sa kapangyarihan ang “president evil’ na si GMA noong 2001, wala ng tigil ang pangungurakot. Ang pinakahuli sa serye ng lantarang pagnanakaw ay ang ZTE-NBN deal at may kadobol pang ‘Cyber-Education Project’.

 

Grabe na ang kasakiman! Ang 6 na bilyong pisong kurakot na itinakda ni FG Mike Arroyo at COMELEC Chair Abalos sa ZTE-NBN deal ay ang pinakamataas na halaga sa kasaysayan ng pagnanakaw sa bayan na babayaran ng mamamayan. Lumikha ito ng katakut-takot na pamba-braso; pananakot sa mga medyo tumututol at lagayan naman sa taginting ng milyong piso sa mga tahimik lang. Sobra na ang pagsa-salaula sa atin, sobra na ang pagturing sa atin na mga bulag at walang pakialam sa ginagawa nilang garapal na pangungurakot.

 

Grabe na ang kasamaan! Upang pagtakpan ang lahat ng ginagawang pagnanakaw, nagpapatupad si GMA ng mga ‘executive order’ at ‘presidential proclamation’ na pumipigil sa sama-samang pagkilos ng mamamayan at pagbale-wala sa mga demokratikong proseso na napagtagumpayan na ng taumbayan mula sa paglaban sa diktadura at ang pinaka-malala ay ang pagpatay, pagdukot at pagkulong sa mga tumutuligsa sa kasamaan ng gobyernong ito.

 

Sa kasalukuyan, nalampasan na ni Gloria ang korapsyon, kasakiman at kasamaan ng lahat ng mga elitistang namuno sa nakaraan, mula kay Marcos, Cory, FVR at Erap. Sobra na talaga.

 

Pero, ang lahat ng sobra ay may hangganan. Ang pagbubulag-bulagan at pagsasa-walang-kibo ay may katapusan.

 

Sa serye ng mga imbestigasyon na isinagawa ng Senado ay unti-unting nabuksan ang lihim ng pinaka-matinding kurakot. Mula kay Joey de Venecia na naglantad sa ‘back-off’ na pananakot ni FG, kay Sec. Romy Neri na ibinuko ang bribery attempt ni Chairman Abalos (‘Sec may 200 ka dito’ ) at ang nagpapatuloy na salaysay ng isang probinsyanong intsik na si Jun Lozada na nagsabing US$130M (P6B) ang gustong ipatong sa halaga ng ZTE-NBN project at pati na rin sa habilin sa kanya ni Sec Neri na ‘moderate your greed’ patungkol kay GMA, FG at Abalos.

 

Aminado naman ang mga kumikibo at naglalantad sa mga balak ng mga masasamang tao sa Palasyo na hindi sila mga anghel at may bahid din ng dumi pero hindi na nila kayang tiisin ang pinaka-grabeng tangkang pagnanakaw na ito. Ang 6 na bilyong piso ay maaaring budget na gamitin sa libong classroom para mapaunlad ang kalidad ng ating edukasyon. Pwede rin itong ipagpatayo ng libong health centers at malagyan ng mga doctor, narses at gamot para sa mga karaniwang karamdaman upang paunlarin ang kalagayan ng kalusugan maging sa pinaka-liblib na komunidad. Maaari ring ilagay sa livelihood program at serbisyo sa patubig at kuryente sa mga mahihirap na komunidad at marami pang iba na magtataas sa kalagayang makatao nating mga Pilipino.

Nagkakaisa na ang Mamamayan! Ito na ang Panahon! Sama na! Kilos na!

 

Nagsimula na ang mga pagkilos, umuugong na ang panawagan mula sa karaniwang mamamayan, maging sa mararangal na tao at organisasyon at pilit na pinag-iinit ng mga nasa elitistang oposisyon ang sigaw na tama na. Gloria, alis na!

 

Ang patutunguhan ng kasalukuyang krisis-pulitikal ni Gloria ay maaaring magtuldok sa matagal nang kwestyon ng pagiging iligal niyang pangulo o kaya naman ay pumihit sa mas higit na panunupil at malalang korapsyon, kasakiman at kasamaan kung malalampasan ni Gloria ang nagbabantang bagyo.

 

Ang CBCP ay nanawagan na ng ‘communal action’ na sa kanilang depinisyon ay ibang tipo ng pipol power –kaiba sa EDSA 2 na nagluwal ng pinaka-masamang presidente sa kasaysayan ng Pilipinas. Nagtakda na sila ng lingguhang misa sa iba’t-ibang simbahang katoliko kasama ang Catholic Educators Association of the Phlippines (CEAP), samahan ng mga eskwelahang pagmamay-ari ng simbahang katoliko na noong EDSA 2 ay gumampan ng malaking papel sa mobilisasyon ng kabataang estudyante. Ang Makati Business Club ay sumuporta na rin sa isang malaking rali na ginananap sa Makati na dinaluhan ng mga religious groups at mga progresibong grupo kasama tayo. Ang mga grupo ng mga sundalo at pulis ay patuloy na nagpapahayag na ng diskuntento.

 

Maging ang media ay napaka-kritikal na kay Gloria, dahil sila rin ay biktima ng lumalalang panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.

 

Sa lahat ng nangyayaring ito, ang malaking tanong ay kung ano ang magiging pasya ng mamamayan.

 

Alam natin na kung mapatalsik si GMA ay posibleng katulad niyang elitistang pulitiko din ang kagyat na pumalit. Pero hindi tayo tanga. Natuto na tayo sa nagdaang Edsa 1 at Edsa 2. Tayo ang nagtanim, nagbayo at nagsaing subalit mga elitista ang kumain. Hindi na dapat maulit ito. Patuloy nating isusulong ang pakikibaka para sa isang gobyerno ng taumbayan.

 

Kaya’t kami ay nananawagan sa lahat ng mga Pilipinong may malasakit sa ating bansa, may malasakit sa kinabukasan ng ating mga anak. We deserve a better future and a better Philippines. Ang desisyon ay nasa atin. Tapusin na natin ang pagiging biktima ng korapsyon, kasakiman at kasamaan ng gobyernong ito. Lumahok at Makiisa sa mga Kilos Protesta!

 

Manindigan! Gloria Alis Na!

Sobra na! Tama na! Kilos na!

Kapangyarihan sa mamamayan, Gobyerno ng Taumbayan Itayo!

 

Bukluran sa Ikauunlad ng Sosyalistang Isip at Gawa (BISIG) ● Lakas at Ugnayan ng mga Maralita Laban sa Kahirapan (LUMABAN KA) ● Alyansa ng Nagkakaisang Lakas ng Kabataan (ALYANSA) ● Movement for the Advancement of Student Power (MASP) ● Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) ● Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK)

ms_word_logo.gifPLEASE CIRCULATE AND SIGN ON

REJECT JPEPA! DEFEND OUR PEOPLE’S SOVEREIGNTY!jpepa.jpg

ms_word_logo.gifms_word_logo.gif

WE are conms_word_logo.gifms_word_logo.gifcerned people’s organizations who wish to add our voice to the growing number of people who are against the Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). 

We urge the members of Senate not to ratify the treaty and to demand transparency from the Executive in its future negotiations so as not to repeat the experience with JPEPA where the Filipino people were kept completely in the dark until the treaty has been signed.  We likewise urge the members of Senate to study carefully the implications of JPEPA to the country’s economy, sovereignty and the Filipino people. 

Our worry over JPEPA stems from the following: (more…)